Ambon, Ulan at Bagyo (Tula)

ni May Anne Joy D. Romanes

Kung ang mga salita ay kayang magbunsod ng ambon
Alam kong bubulong ka sa gitna ng tahimik na panahon
Hahayaang ang mga butil ng tubig sa puso kong nais
Kumawala sa apoy ng damdaming matagal kong tiniis
Hahayaan mong ang aking puso ay ay maging manhid
Sa loob ng nauupos mong damdaming para sa aki'y hidhid
Hanggang maramdaman ko ang paninimdim
Na matagal ng bigat sa ating mga damdamin
Bubulong ka sa akin sa payapang siklab,
"Huwag hayaang kumisap ang apoy na ikaw lang liliyab."

Kung ang mga salita ay kayang magbunsod ng ulan
Alam kong aawitan mo ako sa gitna ng aking kadustahan
Hahayaang ang bawat patak ng tubig
Gaya ng damdaming kahit hingalo sa iyo ay umiibig
Hahayaan mong ang aking apoy
Mamatay na tila lasong dumadaloy
Habang ako ay nilalansi ng iyong salitang mapusok
"Huwag hayaang dalhin ka sa direksiyong ikaw ay matutupok."

Kung ang mga salita ay kayang magbunsod ng bagyo
Marahil dudurugin mo ako habang nasa opyo
Hahayaang bang lunurin ang apoy
Na tila ba ay ako lang ang magpapatuloy
Hahayaan mong wala ng mapagsidlan
Upang baka sakali ang pasan mo ay gumaan
Hahayaan mong pumanaw ang init
Baka ikaw ay protektahan kahit saglit
Habang aking ibinubulong sa iyo,
"Titigil din ang bagyo pati na ang salitang "tayo"."

Comments

Popular posts from this blog

Magsasaka (Tula)

Filipino: Ang Wikang Mapagbago (Tula)