Filipino, Wika at Pagbabago (Maikling Sanaysay)

ni Arannah Andreea D. Romanes

“Pagbabago”—isa sa mga katagang Filipino nangangailangan ng masusing paghuhulo. Malawak ang nasasakop ng kahulugan nito kung kaya’t maraming pantas na ang nagtangkang arukin ito sa iba’t ibang aspeto. Marahil, sa ating mga pangkaraniwang tao, ay nakabuo na rin tayo ng ating sari-sariling paglilimi tungkol sa kung ano ba talaga ito. Bagaman may magkakasalungat ang pagkakaunawa sa salitang “pagbabago”, talos ng karamihan sa atin ang marapat na tunguhin nito; bagamat hindi madalas na nalilirip ang kanyang abang pinagmulan.

Ngunit paano nga maisisilang ang pagbabago? Ano ang makapagbabago sa isang tao, sa isang bayan, o sa isang bansa? Karakaraka ba itong sumusulpot mula sa ating kalanguan sa kadustaan at hapis, o ito ba ay nagmumula sa pagkakadaop-daop ng isipan ng mga marurunong at nakakaunawa? Anuman ang maging sanhi ng pagbabago, hindi ito maigigiit kung hindi natin ito maisasalin sa ating pagkakaunawa.

“Wika”—ito ang bumubuo, nagbubuklod, at bumubuhay sa isang bayan. Kapara ng dugong dumadaloy sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng isang tao, ito ang nagpapanatili sa buhay at sigla ng isang nasyon. Ito ang gintong pamana mula sa ugat na ating pinagmulan. May mga munsing-munsing mang dugong  banyagang humalo kapara ng mga hiram na salitang dayuhan, hindi pa rin mapaparool ang dugong mula sa lahing bumubuo sa Bayan ng Umaga. Tigib man ng siphayo at pagdurusa ang kasaysayan ng ating bayan, kapalit naman nito ay ang mga makukulay na salamisim na hatid sa kiyas ng ating mayamang wika.

                Tigib man ng hindi mabilang na takap upang mapagkaisa ang arkipelago ng Perlas ng Silangan, itinadhana tayong pagbuklurin ng isang pangako ng pagbabago—isang pangakong matutupad lamang kung tayo ay may pagkakaunawaan. Subalit, paano tayo magkakaroon ng tunay na pagkakaunawaan kung ang iiral ay ang mga panimdim ng ating pagkakaiba-iba? Ang pagsilang ng wikang Filipino ang unti-unting humilom sa sugat ng ating madilim na nakalipas na naghiwalay sa atin sa iba pa nating kapatid. Kung hindi naisilang ang ating mahal na wika ay maaaring naigupo na tayo ng wikang kolonyal, na sa huli ay lalong magbunsod ng ating walang habas na pagtanggi sa sarili nating pagkakakilanlan.

                Kung magbabalik mandi’t hahanapin ang simula ng ating dakilang pangarap ng pagbabago, mahahanap natin ito sa pagsilang ng isang wikang naiintindihan ng lahat sa nasasakupan. May ilang marurunong, na sa hindi pangkaraniwang pagkakataon ay naisip ang pagbabago, ang nakapagsalin nito sa salita, at sa gayon ay nakahikayat. Magbuhat noon ay hindi sumalansang ang pag-asam ng bawat henerasyon sa pagbabago. Nang dahil sa wika, nagkaunawaan ang mga taong pinaghiwalay ng kani-kanilang mayamang kultura. Nang dahil sa wikang mapagbago, nagkaroon tayo ng bagong tingkala sa ating buhay, at nakawala tayo sa tanikala ng mapang-ambil na dayuhan.

                Sa pagsikat ng wikang mapagbago, nagkaroon ang mga tao ng sibol ng pag-asa. Naghalo ang mga kulay sa bandila na lalong nagpatingkad nito. Naapula ang maraming hidwaan at nalantad ang mapagkunwari. Tumambad ang mahuhusay na ideya, at nalitis ang mga ito sa nagngangalit na apoy. Napalitan ang walang kabuluhang tungayaw ng mga matatamis na matalinong pagsisimpan ng mga salita. Naging isa ang bayan ni Pepe.

                Simbolo ang pambansang wika ng kayamanan, kapangyarihan, at kalakasan ng bayang matibay at tigib ng hindi masusukat na pag-asa. Marapat lamang na gamitin at pagyamanin ang wikang ipanganak mula sa luha at dugo ng lahat ng nagbuwis ng kanilang buhay para sa mapanatili ang ating bansa. Marapat ding gamitin ito sa ikabubuklod ng mga Pilipino tungo sa kapayapaan, kalayaan, at pag-unlad ng ating bansa. Una’t higit, nawa ay magamit ito upang magkaroon ng mabuting pagbabago sa ating mga sarili at sa ating kapwa. Wika ang magbubunsod ng pagbabago at sa huli ay gagapi sa mga bidbid na pumipigil sa atin. Sa huli, wikang Filipino pa din ang magiging susi.
               
               



Comments

Popular posts from this blog

Magsasaka (Tula)

Filipino: Ang Wikang Mapagbago (Tula)